
* March 22, 2010. (Birthday ng mahal kong lola. ü)
Nagising ako mula sa siyesta ko ngayong hapon. Pasado alas-kwatro na. Ang banas. Walang kuryente- Biglang nawala nang walang abiso. Tumayo ako at tinungo ang kusina. Binuksan ang kahong plastik at kumuha ng apat na piraso ng paborito kong biskwit. Bumalik ako sa sala, dala dala ang apat na biskwit, umupo sa gawing dulo ng mahabang sofa bitbit din ang aking notebook at panulat. Sa gawing kaliwa ng aking kinauupuan ay mababanaag ang labas ng bahay. Sa pagtanaw ko sa ulap, nagtanong ako:
"Kamusta na kaya sya ngayon? Naiisip pa din kaya nya ako kahit minsan? Kamusta kaya ang pag-aaral nya? Ok naman kaya sya pag umuuwi o may pagkakataon bang gusto nya ng kausap?"
Naubos na ang apat na biskwit na hindi na namamalayan dahil sa lalim ng pag-iisip. Malamang kapag nabasa ito ng mga kaibigan ko lalo na ng mga taga-publication, sangkatutak na puna na naman sa akin at mapupuno na naman ang aking kahon ng mga komento. Kailan ko ba bibitawan ito? Gustuhin ko mang bitawan ang nararamdamang ito, tila malabo pa sa baha iyon. May humuhila talaga pabalik. Ewan ko.. Sa tanang buhay ko, ngayon lamang ako nakapagtago ng ganitong pangako. Ngayon lang ako nakahawak ng ganitong salita na binitawan ko sa taong nagpasaya sa akin sa maikling panahon. Maraming nagtatanong sa akin kung mahirap ba. Maraming nagsasabi sa akin, hindi na uso ang mga martir.. Mahirap daw, pero para sa akin.. Parang ordinaryong pakiramdam lang. Parang nabubuhay ako sa mga ordinaryong araw ng buhay ko subalit sa isang sulok ng sarili ko ay may tao akong tinatago.. May pinanghahawakan akong pangako.. May minamahal ako.
Sa pagkakaupo kong ito, malalim at masakit pa din ang mga pagkakataong naiisip ko sya. Nagsisisi ako sa mga nangyari at gaya ng sinabi nya noon, wala ng pag-asa na maging kami ulit. Malamang masaya na sya ngayon.. Malamang may nagpapasaya na ulit sa kanya at nagbibigay ng pag-asang magmamahal ulit sya gaya ng dinanas namin sa isa't isa. At tila pinapatay ang pakiramdam na iyon para sa akin, kailangang tanggapin.. Masakit subalit kailangan.
Eto pala yung gusto kong isulat. Eto pala yung gusto kong sabihin na ang tagal tagal ko nang iniisip. Eto pala yung eksaktong nararamdaman ko. Salamat sa apat na biskwit at nagawa ko ito.
aww naiintindihaN ko ang iyong damdamin
ReplyDeletenagbabasa ako...alam ko nang pagtingin mo palamang sa ulap siya na ang laman ng post na ito...may mga bagay na hindi natin kailangang kalimutan pero dapat bawasan ng pagpapahalaga dahil hinahatak tayo nito upang hindi umabante sa buhay natin,.hayaan na natin ang kahapon...
ReplyDeleteABANTE AKO!
-DRP "Atras Pinas"
tandaan ang sinabi ko na sa iyo.
ReplyDeletesabi nga ng isang malapit na kaibigan... YESTERDAY ENDED LAST NIGHT!!!
ReplyDelete